Opisyal nang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na sisimulan na ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) sa susunod na linggo upang maibsan ang epekto ng muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Marso 18, kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Vigor Mendoza III na naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa rollout ng nasabing ayuda.
“Pinaplano naming ilabas iyan sa susunod na linggo, alinsunod sa direktiba ni Secretary [Giovanni Lopez]: Ipamahagi ang mga ito sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Mendoza.
Ang tulong pinansyal ay nakalaan para sa mga operator at driver ng jeepney (modern at traditional), bus, taxi at UV Express.
Ayon kay Mendoza, uunahin sa distribusyon ang mga hindi pa nakakatanggap ng cash assistance mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na kahit ang mga nakakuha na ng ayuda mula sa DSWD ay makakatanggap pa rin ng fuel subsidy mula sa DOTr.
Magkakaiba ang matatanggap na halaga depende sa uri ng yunit gaya ng modern jeepney na makakatanggap ng P10,000 habang P5,000 sa traditional jeepneys.
“Mayroon tayong cash aid at mayroon ding subsidy. Alam kong hindi pa rin ito sapat, pero kung pagsasama-samahin natin ang lahat ng ito, makakatulong ito para makaraos,” dagdag ni Mendoza.
Nauna nang nagsimula ang pamahalaan sa pamamahagi ng P5,000 cash relief nitong Martes para sa mga driver sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan, mahigit 135,000 tricycle drivers na ang nabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DSWD, DOTr, at mga lokal na pamahalaan (LGUs). Target ng kabuuang programa na maabutan ng tulong ang mahigit 396,000 drivers sa rehiyon.
