Pinatitigil muna ni Pangulong Bongbong Marcos ang anumang pagtataas sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan (PUVs) sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng langis.
Sa isang video message nitong Miyerkules, March 18, 2026, ipinaliwanag ng Pangulo na hindi ito ang tamang panahon para dagdagan ang pasanin ng mga mamamayan.
Inutusan niya ang Department of Transportation (DOTr) na i-postpone at i-defer muna ang planong fare hike upang patuloy na maalalayan ang mga commuter, manggagawa, at mga estudyante na umaasa sa transport system ng bansa.
Ang utos na ito ay kasunod ng naging anunsyo ng DOTr nitong Martes tungkol sa pagtataas ng pamasahe sa iba’t ibang uri ng transportasyon, kabilang ang mga jeepney.
Ang planong taas-pasahe ay bunsod ng epekto sa presyo ng krudo matapos ang naging palitan ng pag-atake ng Amerika, Israel, at Iran na nagresulta sa gulo sa Middle East.
Tiniyak naman ng Pangulo sa mga transport workers na hindi sila pababayaan ng pamahalaan.
Sinabi niya na bibilisan at dadagdagan ang suporta sa sektor ng transportasyon para hindi sila masyadong mahirapan sa pagsususpinde ng fare hike.
Bukod sa pagpigil sa taas-pamasahe, iniutos din ni Marcos sa DOTr na palakasin ang “Libreng Sakay” program at magbigay ng mga diskwento sa MRT at LRT.
Nag-utos din ang Pangulo ng diskwento sa mga toll road para mas mapababa ang bayarin ng taong bayan sa paggamit ng mga kalsada.
Ayon sa Pangulo, ang mga hakbang na ito ay paraan ng gobyerno upang matiyak na kahit may malaking gulo sa ibang panig ng mundo, ay hindi ito masyadong mararamdaman ng mga Pilipino sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Binigyang-diin niya na laging nag-iisip ang pamahalaan ng mga paraan upang manatiling normal, maayos, at ligtas ang sitwasyon sa bansa.
