Opisyal nang ipinatitigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng anumang dagdag-pamasahe sa mga pampublikong sasakyan sa buong bansa.
Sa inilabas na Consolidated Order ng LTFRB, kinumpirma na ang suspensyon ay bunsod ng direktiba mula mismo sa Pangulo ng Pilipinas.
Ang hakbang na ito ay naglalayong pigilan ang implementasyon ng mga naunang desisyon na nag-aapruba sa fare adjustment para sa malawak na sektor ng transportasyon.
Sakop ng kautusang ito ang lahat ng uri ng pampublikong sasakyan na nauna nang nabigyan ng go-signal para magtaas ng singil, kabilang ang Provincial at Metro Manila PUBs (Public Utility Buses), P2P Buses (Point-to-Point), PUJs (Public Utility Jeepneys), TNVS (Transport Network Vehicle Services) at Airport Taxi Services.
Binigyang-diin sa kautusan na ang suspensyon ay “effective immediately” o kailangang ipatupad sa lalong madaling panahon at mananatili hanggang sa magkaroon ng panibagong anunsyo mula sa gobyerno.
Ang nasabing order ay pinirmahan nina LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, Board Member Engr. Isagani M. Victorio, at Board Member Atty. Greg G. Pua Jr.. Pinatunayan din ito ni Executive Director Radm. Loumer B. Bernabe.
Ang desisyong ito ay inaasahang magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa mga commuter sa gitna ng mga usapin sa ekonomiya at presyo ng bilihin.
