Inanunsyo ng motivational speaker at negosyanteng si Anthony Pangilinan na magbabawas ng tatlong piso kada litro sa presyo ng regular diesel ang kanilang gasolinahan sa South Forbes simula ngayong Marso 17.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa Pilipinas na dulot ng tensyon sa Middle East na nakakaapekto sa pandaigdigang merkado ng langis.
Ayon kay Pangilinan, ang desisyon ay nabuo matapos nilang suriin ang epekto ng nagmamahal na krudo hindi lamang sa kanilang negosyo kundi higit sa lahat ay sa kapakanan ng mga residente at motorista sa kanilang paligid.
Ibinahagi ni Pangilinan na ang ideyang ito ay nagmula sa kanyang anak at katuwang sa negosyo na si Donny Pangilinan.
Inamin ng nakatatandang Pangilinan na bagaman hindi paborable ang hakbang na ito kung pagbabatayan lamang ang mga numero o kita ng kumpanya, ito naman ay ganap na tumutugma sa kanilang misyon na suportahan ang mga higit na nangangailangan sa komunidad.
Binigyang-diin niya na ang layunin ng kanilang inisyatibo ay makatulong na maibsan ang pasanin ng mga mamamayan sa gitna ng krisis sa enerhiya.
Ang bawas-presyo sa diesel ay mananatiling epektibo sa kanilang istasyon sa South Forbes hangga’t kaya itong tustusan ng kanilang operasyon.
Sa kanyang pahayag sa social media, hinimok din ni Pangilinan ang publiko na gumawa ng anumang makakaya para sa kapwa habang may pagkakataon at abilidad.
Naniniwala ang mag-ama na sa panahon ng pagsubok, mahalagang unahin ang malasakit upang makatulong sa pagbangon ng mga sektor na pinaka-apektado ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.
