Inilabas ng Court of Appeals Special Fifth Division noong Marso 2 ang isang resolusyon na nag-uutos na i-freeze ang mga ari-arian ng yumaong dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina Cabral at ng kanyang mga anak.
Ang hakbang na ito ay tugon sa petisyon ng Anti-Money Laundering Council matapos makakita ng sapat na batayan na posibleng nagmula sa ilegal na gawain ang mga nasabing asset.
Saklaw ng kautusan ang tatlumpu’t isang bank accounts, dalawampu’t limang insurance policies, at anim na sasakyan na nakapangalan o nakaugnay sa pamilya Cabral.
Batay sa imbestigasyon ng AMLC, lumitaw na ang mga transaksyon sa bangko ng dating opisyal ay itinuturing na “grossly disproportionate” o labis na malaki kumpara sa kanyang legal na kita bilang kawani ng pamahalaan.
Bagaman ang buwanang sahod ng isang undersecretary ay karaniwang nasa P213,000 hanggang P228,000, idineklara umano ni Cabral sa kanyang bank documents na nasa P100,000 lamang ang kanyang suweldo.
Sa kabila nito, naitala ang pagpasok ng humigit-kumulang P676.6 milyong piso sa kanyang mga account mula 2015 hanggang 2025, na katumbas ng 483 porsiyentong pagtaas sa kanyang yearly average inflow bago siya maitalaga sa puwesto noong 2014.
Ang malalaking paggalaw ng pera ay lalong naging kapansin-pansin sa pagitan ng 2022 at 2024, ang panahon kung kailan talamak ang mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects. Isang mahalagang basehan ng imbestigasyon ang salaysay ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na kasalukuyang nasa Witness Protection Program.
Sa isang Senate hearing noong Nobyembre 2025, ibinunyag ni Bernardo na humihingi umano si Cabral ng dalawampu’t limang porsiyentong komisyon mula sa mga proyekto at siya rin ang nakikipag-ugnayan sa mga mambabatas para sa kanilang mga allocation sa budget ng DPWH.
Ipinaliwanag ng Department of Justice na bagaman pumanaw na si Cabral at hindi na maaaring habulin sa aspetong kriminal, maaari pa ring ituloy ng gobyerno ang civil forfeiture cases.
Layunin nito na mabawi at mapangalagaan ang mga ari-arian para sa estado kung mapatutunayang ang mga ito ay ill-gotten wealth o nakamit sa maling paraan.
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang legal counsel ni Cabral dahil sa confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering Act na nagbabawal sa paglalabas ng mga detalye ng freeze orders sa publiko sa ilalim ng banta ng pananagutang kriminal.
Nakatakda ang pagdinig ngayong araw upang desisyunan kung pananatilihin o aalisin ang nasabing utos.
