Naglunsad ng malawakang crackdown ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga online lending applications (OLAs) na sangkot sa pang-aabuso, harassment, at paglabag sa data privacy ng kanilang mga kliyente.
Ito ay matapos maglabas ng direktiba si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Anti-Cybercrime Group (ACG) na sugpuin ang mga mapanirang gawain ng mga naturang kumpanya na nambibiktima ng mga nangungutang na Pilipino.
Sa isang pahayag nitong Martes, mariing kinondena ni Gen. Nartatez ang mga natanggap nilang ulat tungkol sa malalang pamamahiya na nararanasan ng mga biktima.
“Nakapagtala tayo ng mga kaso kung saan minamanipula ang mga litrato ng mga biktima para hiyain at takutin sila. Hindi ito katanggap-tanggap. Ang ganitong uri ng kamalian ay nangangailangan ng agarang aksyon ng pulisya,” ani Nartatez.
Binigyang-diin din ng PNP Chief na ang maayos na negosyo ay hindi dapat nauuwi sa pagbabanta.
“Ang operasyon ng isang negosyo ay hindi dapat kasama ang pag-harass at pagpahiya sa tao. Mga kriminal na sindikato at ‘thugs’ lamang ang gumagawa niyan,” dagdag niya.
Ang hakbang na ito ay bunsod na rin ng ulat mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung saan umabot sa 47,446 na reklamo ang natanggap laban sa mga online lending apps sa pagitan ng Agosto 2024 at Enero 2026.
Kabilang sa mga inirereklamo ng mga biktima ay ang pangangalap ng impormasyon mula sa kanilang contact list nang walang pahintulot, pagpapadala ng mga banta sa buhay at seguridad, at pampublikong pagpapahiya o public shaming.
Upang matiyak na mapaparusahan ang mga lumalabag sa batas, nakikipagtulungan na ang PNP-ACG sa PAOCC (Presidential Anti-Organized Crime Commission), SEC (Securities and Exchange Commission) at NPC (National Privacy Commission).
Hinimok ni Gen. Nartatez ang mga biktima na huwag matakot at makipagtulungan sa awtoridad. Pinapayuhan ang publiko na itabi ang mga screenshots ng mensahe, mga manipuladong larawan, at iba pang ebidensya upang gamitin sa pagsasampa ng kaso.
Maaaring iulat ang mga abusadong lending firms sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o direktang makipag-ugnayan sa PNP-ACG.
