Pormal nang pinagtibay ng Manila Electric Company (Meralco) ang pakikipagtulungan nito sa mga dambuhalang kumpanya mula sa South Korea upang palakasin ang paglipat ng Pilipinas sa paggamit ng nuclear energy.
Sa pamamagitan ng nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU), makaka-partner ng Meralco ang Korea Hydro & Nuclear Power (KHNP), na siyang pinakamalaking power generation company sa Korea, at ang Export-Import Bank of Korea (KEXIM) na nagsisilbing financing arm ng kanilang pamahalaan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) program ng Meralco na naglalayong magkaroon ng mas ligtas at pangmatagalang suplay ng kuryente sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduang ito, magtutulungan ang tatlong panig sa pag-aaral ng reactor design at engineering, palitan ng teknikal na impormasyon, at pagbuo ng matibay na legal at institusyonal na balangkas para sa nuclear power sa Pilipinas.
Kasama rin sa plano ang pagpapaunlad ng lokal na kakayahan sa pamamagitan ng mga training programs at employee exchanges upang masiguro na handa ang mga Pilipinong eksperto sa operasyon ng ganitong teknolohiya sa hinaharap.
Magsasagawa rin sila ng mga pag-aaral sa site selection o pagpili ng lokasyon at mga inisyatibo upang makuha ang tiwala at pagtanggap ng publiko sa paggamit ng nukleyar.
Bukod sa teknikal na aspeto, tututukan din ng Meralco, KHNP, at KEXIM ang pagbuo ng mga business at financial models na susuporta sa mga itatayong proyekto.
Nakatakdang suriin ng KEXIM ang mga posibleng financing structures at credit facilities upang mapondohan ang mga planong pasilidad ng Meralco katuwang ang mga Korean enterprises. Ayon kay Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, ang nuclear energy ay isang paraan upang pag-iba-ibahin ang kanilang portfolio at matiyak ang energy security ng bansa habang pinoprotektahan ang mga mamimili mula sa pabago-bagong presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin ni Pangilinan na ang pakikipagtulungan sa KHNP at KEXIM ay nagbibigay sa Meralco ng access sa napatunayang global expertise.
Ang MOU na ito ay itinuturing na isang mahalagang unang hakbang sa mas malalim na pag-aaral kung paano makakatulong ang nuclear energy sa pangmatagalang estratehiya ng kumpanya at ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng pagsusuring ito sa teknolohiya at opsyon sa pagpopondo, layon ng Meralco na maging bahagi ng pundasyon para sa mas modernong sistema ng enerhiya sa bansa.
