Matagumpay na tinapos ng fiber broadband provider na Converge ICT Solutions ang taong 2025 matapos itong magtala ng konsolidadong kita na P44.8 bilyon, na mas mataas ng 10.2% kumpara sa P40.6 bilyon noong 2024.
Ayon sa ulat ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission, ang paglagong ito ay bunsod ng masiglang demand sa residential services na umabot sa P37.3 bilyon at sa enterprise sector na lumago ng 20.3% patungong P7.4 bilyon dahil sa mga small and medium enterprises at wholesale clients. Sa pagtatapos ng 2025, umakyat sa 2.98 milyon ang kabuuang residential subscribers ng kumpanya matapos makapagtala ng mahigit 428,000 bagong fiber customers sa loob lamang ng isang taon.
Kasabay ng pagdami ng subscriber, bumuti rin ang aspetong pinansyal ng kumpanya kung saan ang earnings before interest, taxes, depreciation, and amortization (EBITDA) ay tumaas ng 10% patungong P27 bilyon, habang ang net income naman ay umakyat ng 9.6% sa halagang P11.9 billion.
Nanatiling matatag ang return on invested capital (ROIC) ng kumpanya sa antas na 17.7%, na sumasalamin sa kanilang patuloy na pamumuhunan sa pagpapalawak ng network at serbisyo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bukod sa usaping pampinansyal, pinarangalan din ang Converge bilang “National Broadband Leader” para sa taong 2025 sa ulat na inilabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Batay sa halos 700,000 speed tests, ang Converge ang nakapagtala ng pinakamabilis na average speeds at pinakamababang latency sa Metro Manila.
Ayon kay Benjamin Azada, Chief Operations Officer ng Converge, ang pagkilalang ito ay isang “badge of honor” habang patuloy nilang pinapaganda ang reliability at consistency ng kanilang serbisyo, partikular na sa mga lugar na nakakaranas pa ng intermittent connectivity gaya ng tinukoy sa balanseng ulat ng DICT.
Sa kabilang banda, ginawaran din ang Converge ng “Five Golden Arrow” rating mula sa Institute of Corporate Directors sa ilalim ng ASEAN Corporate Governance Scorecard, na siyang pinakamataas na pagkilala para sa mga listed companies sa Pilipinas.
Ayon kay Chairman Jose de Jesus, ang pagkilalang ito ay kasabay ng kanilang ikalimang anibersaryo bilang isang publicly listed company at pananatilihin nila ang tiwala ng kanilang mga shareholders at kustomer.
Para sa taong 2026, inaasahan ng kumpanya ang 8% hanggang 10% na paglago sa kita at naglaan ng P18 bilyon hanggang P23 bilyon na capital expenditure para sa paglalagay ng hanggang 900,000 karagdagang ports, lalo na sa Visayas at Mindanao.
