Muling pinagtibay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kanilang pakikipagtulungan sa Weathernews Inc. (WNI) sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong ika-5 ng Marso sa Civil Aviation Training Center sa Pasay City.
Ayon kay CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul L. Del Rosario, ang hakbang na ito ay sumasalamin sa kanilang matatag na komitment sa kaligtasan at operational excellence para sa mga Pilipinong umaasa sa transportasyong panghimpapawid.
Binigyang-diin niya na ang tunay na pag-unlad ay nakakamit sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagtutulungan ng mga ahensya.
Sa kasalukuyan, ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, mayroon nang mga camera na nakainstall sa 24 na paliparan sa buong bansa sa ilalim ng WNI na nagbibigay ng real-time na datos ukol sa lagay ng panahon at operasyon para sa mga airline at general aviation operators.
Bahagi ng pinalawak na kolaborasyon ang panukalang paglalagay ng mga karagdagang camera sa lima pang paliparan kabilang ang San Vicente Airport at Siquijor Airport na pinatatakbo ng CAAP, gayundin sa Clark International Airport, Ninoy Aquino International Airport, at Bohol–Panglao International Airport na nasa ilalim ng ibang mga awtoridad.
Ipinahayag naman ni WNI Representative Director Chihito Kusabiraki ang kanilang patuloy na suporta sa kaligtasan ng aviation sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng maaasahang network ng mga live camera sa bawat paliparan.
Ayon kay Apolonio, ang pakikipagtulungang ito ay bahagi ng direktiba nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Transportation Secretary Giovanni Lopez upang masiguro ang mas ligtas at mabilis na serbisyo sa himpapawid.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng CAAP ang pagbabalik ng night operations sa Laoag International Airport matapos maayos ang mga runway lighting, at pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline para sa mga update sa schedule ng flight. (ARSENIO TAN)
