Pormal nang inilunsad ng Office for Transportation Security (OTS), sa pangunguna ni Administrator Undersecretary Gilbert Cruz at katuwang ang Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), ang pilot use ng mga alternatibong “non-lethal intervention techniques” sa mga paliparan sa bansa.
Ang hakbang na ito ay tugon sa nakaraang insidente sa Iloilo International Airport kung saan isang pasahero ang nag-amok gamit ang patalim, kaya naman minarapat ng ahensya na magkaroon ng kagamitang makapagpapanatili ng seguridad nang hindi kinakailangang gumamit ng nakamamatay na puwersa.
Ayon kay Undersecretary Cruz, ang nasabing kagamitan ay hango sa konsepto ng “Sasumata” ng Japan, isang uri ng containment tool na may disenyong “U-shape” sa dulo upang mapigilan ang paggalaw ng isang agresibong indibidwal mula sa ligtas na distansya.
Binigyang-diin niya na ang kagamitang ito ay sadyang idinisenyo para sa depensa at pansamantalang pag-restrict sa mga taong armado ng patalim o mapurol na armas na nagbabanta sa kaligtasan ng mga pasahero at tauhan ng paliparan.
Tinitiyak nito ang pagkontrol sa sitwasyon habang iniiwasan ang panganib ng pagkamatay o malubhang pinsala sa katawan na madalas dulot ng paggamit ng baril.
Ipinaliwanag din ng OTS na ang paggamit ng nasabing tool ay mahigpit na lilimitahan para sa self-defense at containment lamang, at hinding-hindi gagamitin para sa pagpaparusa o opensibong layunin. Bilang bahagi ng paghahanda, lahat ng awtorisadong personbel ay sasailalim sa kaukulang pagsasanay at scenario-based exercises upang matiyak ang tama at proporsyonal na paggamit nito alinsunod sa prinsipyo ng “reasonable force.”
Isinagawa ang aktwal na demonstrasyon ng bagong teknolohiyang ito noong ika-2 ng Marso, 2026 sa PNP AVSEGROUP Headquarters malapit sa NAIA Terminals. (ARSENIO TAN)
