Isang mahalagang on-site registration at updating ng records ang nakatakdang ganapin sa darating na Linggo, ika-8 ng Marso, 2026, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali sa Blk 6, Barangay 14, Dagat-dagatan, Caloocan City.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ni Mayor Dale Gonzalo R. Malapitan at ng City Health Office, sa pangunguna ni Konsehal Alex Mangasar, upang maghatid ng direktang serbisyo sa mga mamamayan ng ikalawang distrito.
Pangunahing layunin ng nasabing aktibidad na mapadali ang proseso at matugunan ang mga suliranin ng mga residente pagdating sa kanilang mga dokumento sa PhilHealth, SSS, at Pag-IBIG.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, hindi na kakailanganin pa ng mga tao ang pabalik-balik na paglakad sa mga opisina ng mga nasabing ahensya, na naglalayong magbigay ng kaginhawaan at mabawasan ang pag-aalala ng mga miyembro hinggil sa kanilang mga benepisyo at rekord.
Inaanyayahan ang lahat ng mga naninirahan sa Barangay 14 at mga karatig-lugar na samantalahin ang pagkakataong ito para magparehistro o ayusin ang kanilang mga records.
Ang programang ito ay bahagi ng adhikain ng lokal na pamahalaan na masiguro na ang bawat mamamayan ay may maayos na akses sa mga batayang serbisyong panlipunan nang mabilis at episyente. (Ulat ni Dominico M. Barba Jr.)
