Nabigong mapanatili ng Gilas Pilipinas ang kanilang malinis na record matapos silang pataubin ng New Zealand, 69-66, sa second window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers nitong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Ito ang unang pagkatalo ng tropa ni Coach Tim Cone sa kompetisyon matapos ang kanilang dominanteng 2-0 sweep laban sa Guam noong unang window noong nakaraang taon.
Sa harap ng mahigit 12,000 na taga-suporta, pilit na humabol ang Nationals sa huling bahagi ng laro sa pamamagitan ng mga krusyal na puntos ni Dwight Ramos. Gayunpaman, naging matatag ang depensa ng Tall Blacks at hindi hinayaang makasilip ng pagkakataon ang Pilipinas sa mga huling segundo.
Limitado rin ang naging produksyon ng naturalized star na si Justin Brownlee na tumapos lamang na may 4 na puntos matapos higpitan ng New Zealand ang kanilang depensa sa kanya.
Sa kabila ng pagkatalo, wala nang oras para magluksa ang Nationals. Nakatuon na ngayon ang pansin nina Coach Tim Cone at ng koponan sa kanilang susunod na malaking hamon: ang world-class na koponan ng Australia.
Muling sasabak ang Gilas sa parehong venue ngayong Linggo, Marso 1, kung saan target nilang makabawi at makuha ang krusyal na panalo upang mapatatag ang kanilang posisyon sa Group A at makasiguro ng puwesto sa susunod na round ng qualifiers. (RON TOLENTINO)
