Tila muling nagluluto ng panibagong hakbang sa politika ang beteranong lider ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson matapos nitong ipahiwatig ang posibleng pagtakbo bilang senador sa darating na 2028 elections.
Sa isang panayam sa programang At The Forefront ng Bilyonaryo News Channel, hayagang ipinahayag ni Singson ang kanyang pagkadismaya sa kasalukuyang estado ng Senado, na tinawag niyang “tahimik” sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng bansa.
“Iniisip ko na tumakbo na rin na senador sa mga pangyayaring ito. Kailangan may magsalita sa Senado eh. Wala eh,” ani Singson.
Matatandaang naghain na ng kandidatura si Singson para sa 2025 midterm elections ngunit kinalaunan ay nagpasyang umatras dahil sa mga usaping pangkalusugan.
Gayunpaman, tila nagbago ang ihip ng hangin dahil sa aniya’y udyok ng kanyang mga tagasuporta at ang kanyang obserbasyon sa “kakulangan ng boses” sa mataas na kapulungan.
“Marami nagsasabi sa akin na ituloy ko ang pagtakbo as senator. I might also,” pag-amin ng dating gobernador.
