Binigyang-diin ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) nitong Huwebes na walang inilabas na direktang utos ang dating lider para pumatay ng mga suspek sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon sa kanyang abogado na si Nicholas Kaufman, walang matibay na ebidensya o “smoking gun” na mag-uugnay kay Duterte sa mga kaso ng crimes against humanity na isinampa laban sa kanya.
Sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing, sinabi ni Kaufman na wala ni isa sa mga testigo ang makapagpapatunay na nakatanggap sila ng direktang utos mula sa dating pangulo upang pumatay.
Binatikos din niya ang alegasyon ng prosekusyon na naglunsad si Duterte ng malawakang atake laban sa populasyon ng Pilipinas, at tinawag itong isang “bizarre” o kakaibang mungkahi.
Ipinunto ng abogado na batay sa datos mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2019, nasa 97 porsiyento ng mga drug personalities ang naaresto nang buhay, habang 3 porsiyento lamang ang naitalang namatay sa mga operasyon.
Iginiit pa ni Kaufman na sa mga talumpati ni Duterte, lagi niyang ipinaaalala sa mga pulis na pumatay lamang kung ito ay para sa “self-defense” at dapat laging sumunod sa operational procedures at igalang ang karapatang pantao.
Binanggit din niya ang mga memorandum circular na nag-uutos sa mga otoridad na maging maingat sa kanilang mga operasyon.
Ang mga pahayag na ito ay tugon sa naunang argumento ng ICC Prosecutor na gumagamit lamang umano si Duterte ng “veneer of plausible deniability” o nagkukunwaring sumusunod sa batas upang pagtakpan ang tunay na layunin.
Kinuwestiyon din ng depensa kung bakit inabot ng halos apat na taon ang prosekusyon bago nagbukas ng imbestigasyon matapos kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Bagama’t may desisyon ang Korte Suprema noong 2021 na dapat pa ring makipagtulungan ang bansa sa mga aktong naganap noong miyembro pa ito, nananatiling hamon para sa ICC ang isyu ng hurisdiksyon.
Sa pagtatapos, tiniyak ni Kaufman na ang kanilang pagkontra sa mga sakdal ay nakatuon sa legal na aspeto at hindi pagbalewala sa buhay ng mga namatay sa nasabing kampanya.
