NAGPAHAYAG ng suporta si Bise Presidente Sara Duterte nitong Miyerkules para sa mga dating security personnel ng negosyanteng si Zaldy Co na lumantad at nagbunyag ng mga alegasyon kaugnay ng umano’y pakikipag-ugnayan ng ilang opisyal ng Pilipinas sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag sa kanyang opisyal na Facebook page, sinabi ng Bise Presidente na hinahangaan niya ang katapangan ng mga dating security aide sa kanilang paglalakas-loob na magsalita batay sa kanilang personal na kaalaman sa kabila ng banta sa kanilang buhay.
Binigyang-diin ni Duterte na matagal na niyang alam ang mga impormasyon tungkol sa hinihinalang komunikasyon sa pagitan ng ilang lokal na opisyal at ng ICC, gayundin ang mga aktibidad ng nasabing dayuhang institusyon sa loob ng bansa.
Ayon sa kanya, pormal na siyang sumulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang irehistro ang posisyon ng administrasyon sa usapin, kung saan tumugon umano ang Pangulo na hindi makikipagtulungan ang bansa sa ICC sa anumang paraan dahil itinuturing itong pag-abuso sa soberanya ng Pilipinas.
Dagdag pa ng Bise Presidente, ang mga testimonya ng dating tauhan ni Co ay nagpapatibay sa kanyang mga naunang babala kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” dela Rosa tungkol sa presensya ng ICC sa bansa at sa mga insidenteng iniuugnay niya sa planong “pagkidnap” sa kanyang ama.
Giit ni Duterte, hindi lamang ito usaping pampulitika o simpleng alitan ng mga personalidad kundi isang laban para sa prinsipyo ng pambansang soberanya at pagpigil sa panghihimasok ng mga dayuhang institusyon sa mga domestic affairs ng bansa.
