Mariing kinuwestiyon ng National Union of Food Delivery Riders (RIDERS-SENTRO) ang International Labour Organization (ILO) kaugnay ng isang “leaked study” na nagpapakita umano ng malayo sa katotohanang kalagayan at kita ng mga platform riders sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, binatikos ng grupo ang ulat ng ILO na nagsasabing ang mga rider ay kumikita ng average na Php 6,704 kada linggo—isang halaga na mas mataas pa sa minimum wage.
Nakasaad din sa naturang pag-aaral na ang mga workers ay may access sa social protection gaya ng insurance at retirement benefits.
Ayon sa RIDERS-SENTRO, hindi sumasalamin ang pag-aaral sa tunay na buhay ng mga rider. Iginiit ng grupo na ang katotohanan sa kalsada ay mababang sahod, nagtataasang presyo ng maintenance ng motor, kawalan ng job security, at mahabang oras ng pagtatrabaho na umaabot na sa limitasyon ng kanilang pangangatawan.
“Ito ang katotohanan namin. Sa pag-claim na mataas ang sahod at benepisyo ng mga rider, maaaring gamitin ito ng mga kumpanya para ipagkait ang patas na kompensasyon sa mga manggagawa,” babala ng grupo.
Nang itawag-pansin ng mga lider ng rider ang maling datos, tumugon umano ang ILO na ang nasabing ulat ay isa lamang “leaked draft” at kasalukuyan pang bineberipika. Dahil dito, nagtanong ang RIDERS-SENTRO: Sino ang nag-leak ng pag-aaral at sino ang makikinabang dito?
Naniniwala ang grupo na ang mga dambuhalang kumpanya sa industriya ang tanging makikinabang sa maling impormasyon at hindi ang mga manggagawa o ang gobyerno. Kinuwestiyon din nila kung bakit tila hindi kinokondena o iniimbestigahan ng ILO ang pagkaka-leak ng dokumento, lalo na’t nangyari ito ilang linggo bago ang Blue Report ng platform workers convention.
Bilang isang tripartite body, tungkulin umano ng ILO na tiyakin ang tamang representasyon ng mga manggagawa. Ayon sa RIDERS-SENTRO, tila sadyang hindi isinama ang mga organisadong grupo ng riders sa naturang pag-aaral.
“ILO, ikundena at imbestigahan ang leak! Isulong ang interes at kapakanan ng mga platform rider!” anang grupo.
Nanindigan ang RIDERS-SENTRO na ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ng mga manggagawa ay sa pamamagitan ng transparansya at konsultasyon sa mga mismong nakakaranas ng hirap sa kalsada.
