Pormal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang abogadong si Melvin Matibag bilang bagong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kumpirmado ang naturang appointment matapos itong ipahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing nitong Huwebes, Pebrero 19, 2026.
Si Matibag ay kilalang malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bago ang pagkakatalagang ito, nagsilbi rin siya sa iba’t ibang kapasidad sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Bagama’t kumpirmado na ang pwesto, hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye si Usec. Castro hinggil sa naging batayan o mga partikular na dahilan ng pagkakahirang kay Matibag bilang pinuno ng naturang ahensya.
Inaasahang tutukan ni Matibag ang mga malalaking kaso at ang kampanya ng gobyerno laban sa krimen sa bansa sa kanyang pag-upo bilang bagong hepe ng NBI.
