Photo Credit: Watchmen Daily Journal
Patuloy ang mainit na ratsada ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala sa Middle East swing matapos niyang patumbahin ang pambato ng Romania na si Sorana Cirstea, 7-5, 6-4, nitong Huwebes ng madaling araw (oras sa Maynila).
Dahil sa panalong ito, opisyal nang pumasok ang 20-anyos na Filipina sa quarterfinals ng Dubai Tennis Championships, ang kanyang ikalawang quarterfinal appearance sa kasalukuyang serye ng mga torneo sa Middle East.
Sa harap ng masigabong suporta ng mga Pilipino sa Dubai, nagpakita ng composure si Eala laban kay Cirstea na kasalukuyang ranked No. 32 sa mundo. Bagama’t nakalamang ang Romanian sa unang set, 5-4, bumawi si Eala sa pamamagitan ng pagpanalo ng tatlong sunod-sunod na game upang makuha ang set.
Ipinagpatuloy ni Eala ang kanyang momentum sa second set kung saan agad siyang lumayo sa iskor na 4-0 hanggang sa tuluyang selyuhan ang laban.
“Ang susi ngayong araw ay ang pananatiling kalmado at pagtitiwala sa aking mga tira. Naging matatag ako sa mga importanteng sandali,” pahayag ni Eala sa kanyang post-match interview.
Matapos talunin ang 8th seed na si Jasmine Paolini at si Cirstea sa loob lamang ng 24 oras, isang malaking hamon ang kakaharapin ni Eala sa quarterfinals: ang two-time Grand Slam champion na si Coco Gauff.
Si Gauff, na tinalo si Elise Mertens sa kanyang huling laban, ay dating doubles partner ni Eala. Sa kabila ng pagiging magkaribal sa court, puno ng respeto ang Pinay sa world-class athlete.
“Si Coco ay isang kamangha-manghang tao. Nakakalimutan natin na isang taon lang ang tanda niya sa akin, pero isa siyang mahusay na ehemplo para sa marami,” ani Eala.
Nakatakdang magharap ang dalawa ngayong Huwebes para sa isang slot sa semifinals. (RON TOLENTINO)
