Higit sa tangkad at karanasan sa NBA, ang “chemistry” at kung paano makikibagay si Bol Bol sa sistema ng TNT Tropang 5G ang magdidikta sa tagumpay ng koponan sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Ito ang binigyang-diin ni Coach Chot Reyes matapos ang pagdating sa bansa ng 7-foot-3 import nitong Huwebes. Bagama’t hindi duda ang talento ng anak ng yumaong NBA star na si Manute Bol, naniniwala si Reyes na hindi sapat ang indibidwal na galing para makuha ang korona.
“Sana ay mag-fit kami nang maayos,” maikling pahayag ni Reyes nang tanungin tungkol sa kanyang mga ekspektasyon sa bagong import.
Dahil sa kanyang 7-foot-7 wingspan, tinitingnan si Bol Bol bilang sagot ng TNT sa dominasyon ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beer. Matatandaang lumasap ng back-to-back na pagkatalo ang TNT laban sa Beermen sa nakaraang Philippine Cup finals, kung saan naging malaking problema para sa kanila ang siyam na boses na MVP.
Inaasahang mas lalo pang tatatag ang depensa at opensa sa ilalim ng TNT sa pagsama ni Bol kay Poy Erram, Brandon Ganuelas-Rosser, Henry Galinato, at dating MVP Kelly Williams. Gayunpaman, ayon kay Reyes, kailangan pa nilang sumalang sa ensayo dahil hindi pa nakakapag-practice ang koponan matapos ang kanilang runner-up finish sa All-Filipino conference.
Inihalimbawa ni Reyes ang naging tagumpay ni Rondae Hollis-Jefferson (RHJ) na mabilis na naka-adapt sa sistema ng TNT at naghatid ng tatlong titulo sa prangkisa. Sa kasamaang palad, hindi makakapaglaro si RHJ ngayong season dahil sa tinamong ruptured Achilles tendon.
Ayon kay Team Manager Jojo Lastimosa, naging desisyon ng mga coach ang pagkuha kay Bol Bol bilang kapalit ng 6-foot-6 na si RHJ.
Sa pagbubukas ng Commissioner’s Cup, tututukan ng mga tagasubaybay ng PBA kung magagawa nga ba ni Bol Bol na maging “missing piece” para muling maibalik ang TNT sa rurok ng tagumpay. (RON TOLENTINO)
