Lalo pang pinalalakas ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang hakbang tungo sa modernisasyon matapos lumahok sa US-Philippines Smart Grid Technologies Reverse Trade Mission (RTM) na ginanap mula Pebrero 1 hanggang 11.
Ang nasabing misyon, na inorganisa ng U.S. Trade and Development Agency (USTDA), ay naglayon na ipakita ang mga susunod na henerasyon ng teknolohiya sa enerhiya, partikular na ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI), advanced analytics, at cybersecurity sa pamamahala ng kuryente.
Pinangunahan nina Meralco Executive Vice President and COO Ronnie L. Aperocho at Senior Vice President Froilan J. Savet ang delegasyon sa pagbisita sa San Diego, Silicon Valley, at Washington, D.C.
Dito ay personal nilang nasilayan ang mga live demonstration ng mga “advanced grid technologies” na layuning gawing mas matatag at ligtas ang kritikal na imprastraktura ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Aperocho, ang grid modernization ay isang mahalagang bahagi ng stratehiya ng Meralco upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga consumer at matiyak ang resilience ng kanilang operasyon sa mahabang panahon.
Sentro sa digital transformation ng Meralco ang kanilang Advanced Metering Infrastructure (AMI) Program. Target ng kumpanya na mag-rollout ng humigit-kumulang 12 milyong smart meters sa buong franchise area nito sa loob ng susunod na sampung taon.
Ang mga smart meter na ito ay magbibigay ng “near real-time data” na makakatulong sa mas mabilis na pagtukoy ng mga outage at magbibigay sa mga customer ng mas malinaw na kontrol sa kanilang paggamit ng kuryente.
Bukod sa mga meters, itatayo rin ng Meralco ang Grid-Edge Operations and Control Center (GEOCC). Ito ay magsisilbing “kambal” ng kanilang kasalukuyang System Control Center upang masubaybayan ang mga low-voltage na sitwasyon, kabilang ang pagdami ng mga electric vehicles (EVs), solar rooftops, at mga home batteries.
Sa tulong ng Distributed Energy Resources Management System (DERMS), mas magiging maayos ang koordinasyon ng mga renewable energy resources na direkta nang dumadaloy sa grid mula sa mga kabahayan at negosyo.
Sa pamamagitan ng mga pakikipagtulungang ito sa mga eksperto mula sa Amerika, tinitiyak ng Meralco na ang Pilipinas ay hindi mapag-iiwanan sa pagbuo ng isang smarter, more secure, at future-ready power grid.
