IBA, ZAMBALES – Isang 30-anyos na Mongolian national ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division matapos itong mapag-alamang nagsasagawa ng mga aktibidad na itinuturing na banta sa pambansang seguridad.
Ang suspek, na kinilalang si Boldbaatar Bold-Erdene, ay isang graduating pilot student sa isang aviation school sa Brgy. Lipay Dingin.
Ang joint operation na isinagawa noong Pebrero 12 ay kinabibilangan ng BI, Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang mga law enforcement agencies.
Batay sa mga record ng intelligence, si Bold-Erdene ay hindi isang ordinaryong estudyante. Siya ay nagtapos bilang isang jet fighter pilot mula sa Civil Aviation University of China at may lisensya mula sa People’s Liberation Army (PLA) Air Force Aviation University.
Napag-alaman din na may karanasan siya bilang combat pilot, isang impormasyong hinihinalang sadyang itinago sa kanyang aplikasyon para sa visa.
Naging mitsa ng pag-aresto ang ulat na nagsagawa ang suspek ng unauthorized aerial photography habang nasa flight exercises. Kumuha umano si Bold-Erdene ng mga litrato ng Iba Airport at ng karatig na Palauig River area.
Ang Palauig ay ang pinakamalapit na munisipalidad sa disputed Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) sa West Philippine Sea, kaya naman lubhang nabahala ang mga otoridad sa posibilidad na ginagamit ang training flights para sa reconnaissance o paniniktik para sa ibang gobyerno.
Opisyal nang idineklara ng BI ang suspek bilang “undesirable alien” dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa at sa panganib na dala nito sa kaligtasan ng publiko. Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, hindi pahihintulutan ng Pilipinas na gamitin ang mga institusyon nito, maging ang mga civilian training facilities, para sa mga gawaing makakasama sa seguridad ng bansa.
Kasalukuyang nasa BI Warden Facility sa Maynila ang suspek habang inihahanda ang kanyang deportation proceedings at patuloy ang malalimang imbestigasyon sa kanyang mga posibleng koneksyon sa foreign intelligence operations. (Arsenio Tan)
