Sa kabila ng pagkakatanggal sa 4Aces team ni Dustin Johnson, gumawa ng kasaysayan ang Filipino golf star na si Miguel Tabuena matapos siyang pagkalooban ng wild card slot na nagbibigay sa kanya ng full-time playing status para sa buong season ng LIV Golf.
Agad na pinatunayan ng 31-anyos na pambato ng Pilipinas na karapat-dapat siya sa nasabing pagkakataon nang magrehistro siya ng impresibong 3-under-par 69 sa unang round ng torneo sa Adelaide, Australia nitong Huwebes.
Dahil sa bagong katayuang ito, makukuha na ni Tabuena ang lahat ng playing privileges na matagal na niyang pinapangarap, isang tagumpay na mas napabilis matapos ang kanyang pagkapanalo sa International Series Philippines noong nakaraang Oktubre.
Ang nasabing panalo ang nagdala kay Tabuena sa radar ng LIV Golf na naging dahilan upang tawagan siya ni Dustin Johnson para pansamantalang punan ang puwang sa 4Aces team sa season-opener sa Riyadh noong nakaraang linggo.
Bagama’t hindi naging sapat ang kanyang ika-48 na puwesto doon para manatili sa koponan at pinalitan siya ng nagbabalik-pormang si Anthony Kim, sapat naman ang ipinamalas niyang galing para humanga ang mga organizer at bigyan siya ng permanenteng puwesto bilang wild card player.
Sa kanyang unang round sa Australia, nagpakitang-gilas si Tabuena sa pamamagitan ng limang birdie bago bahagyang nadelay ng dalawang bogey, dahilan upang tumabla siya sa ikasiyam na puwesto at maiwan lamang ng tatlong palo sa mga co-leader na sina Bryson DeChambeau at Marc Leishman.
Sa kasalukuyan, bagama’t wala nang kinakatawang koponan si Tabuena at hindi na kwalipikado sa mga team cash prizes, garantisado pa rin ang kanyang partisipasyon sa mga susunod na yugto ng liga.
Sa ilalim ng kanyang bagong status, may pagkakataon siyang lumaban para sa malalaking premyo ng LIV Golf kung saan umaabot sa $20 milyon ang kabuuang pot para sa bawat torneo.
Habang nangunguna ang dati niyang koponan na 4Aces sa team standings sa Adelaide, nakatutok naman ang lahat sa magiging performance ni Tabuena sa susunod na tatlong rounds upang patunayan na siya ay kabilang na sa hanay ng mga pinakamahuhusay na golfers sa buong mundo. (RON TOLENTINO)
