Bagama’t naging maikli at tahimik, pormal nang nag-debut ang Fil-Am rookie na si Jason Brickman para sa Meralco Bolts sa huling yugto ng group stage ng EASL Home and Away Season 3.
Sa larong ginanap nitong Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, nakitang sumalang si Brickman sa loob ng pitong minuto kung saan hindi siya nakapuntos sa naging pagkatalo ng Bolts laban sa bumibisitang Ryukyu Golden Kings sa iskor na 88-79.
Ang No. 7 overall pick sa nakaraang PBA draft ay pumasok sa laro sa huling anim na minuto ng unang quarter ngunit hindi na muling pinabalik sa court lalo na nang lumaki ang kalamangan ng kalaban hanggang 20 puntos sa second half.
Aminado ang 34-anyos na guard na nangangapa pa siya sa sistema ng Meralco dahil wala pang dalawang linggo mula nang sumama siya sa koponan.
Sa loob ng kanyang limitadong oras sa laro, nagtala lamang siya ng isang tira sa three-point range at isang assist, ngunit positibo pa rin siya sa kanyang karanasan sa pagsasabing nag-eenjoy siya sa pakikibahagi sa koponan sa kabila ng kakaunting practice pa lamang nila.
Bago pumirma ng isang taong kontrata sa Meralco, nanggaling muna si Brickman sa isang maikling pahinga matapos pangunahan ang Abra Solid North Weavers sa pagkapanalo ng kanilang unang titulo sa MPBL.
Ayon kay Meralco coach Luigi Trillo, normal lamang na tila “lost” pa sa loob ng court si Brickman dahil sa kakulangan ng panahon na makasama ang tropa.
Ipinaliwanag ng coach na hindi pa lubos na kabisado ng batikang guard ang kanilang mga play at kailangan pa ng mas maraming exposure sa laro.
Gayunpaman, malaki ang tiwala ni Trillo na sa sandaling makapag-adjust na ang manlalaro ay maipakikita rin nito ang kalidad ng laro na inaasahan sa kanya, at naniniwala siyang makakamit din ni Brickman ang tamang porma para makatulong nang husto sa Bolts sa mga susunod na pagkakataon. (Ron Tolentino)
