Sinimulan na ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapatalas sa draft committee report nito matapos ang pakikipagpulong sa mga pangunahing ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Justice (DOJ), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Office of the Ombudsman.
Ayon kay Senador Erwin Tulfo, layon ng nasabing konsultasyon na matiyak kung sapat at matibay ang mga ebidensyang hawak ng komite bago ilabas ang pinal na rekomendasyon.
Sa isang ambush interview nitong Lunes, binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan na maging “airtight” o walang butas ang mga isasampang kaso. Aniya, ayaw nilang masayang ang oras at pagod ng mga investigative agencies kung mauuwi lamang sa pagka-dismiss ang mga reklamo.
“Sayang kung hindi naman airtight… We’ll be wasting our time, the effort of the DOJ, Ombudsman, the Blue Ribbon, pati ang mga taong madadamay,” pahayag ng senador.
Ang closed-door meeting ay dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng Senado upang ihanay ang kanilang mga posisyon, kabilang sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson (Chairperson ng komite), Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Loren Legarda at Sen. Raffy Tulfo
Inamin ni Tulfo na wala pang katiyakan kung kailan dadalhin ang report sa plenaryo dahil sa dami ng nakapilang agenda sa Senado.
Bukod dito, may mga pagkakaiba pa sa reaksyon ng mga senador hinggil sa nilalaman ng draft.
Ayon kay Tulfo, may ilang senador na nag-aalangan dahil tila “malamya” o may kulang pa sa ebidensya, habang ang iba naman ay nagnanais ng mas “strong-worded” o mas matapang na rekomendasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-aaral sa mahabang dokumento upang masigurong handa itong pirmahan ng mayorya ng mga miyembro bago ang nakatakdang pagtalakay sa floor.
