Nakatakdang talakayin ngayong araw, Pebrero 10, ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan ang isang resolusyon na pormal na tumututol sa kontrobersyal na mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na isuko na lamang ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG).
Ayon kay Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda, isasalang ang nasabing resolusyon sa kanilang regular na sesyon upang iparating ang mariing depensa ng lokal na pamahalaan sa kanilang hurisdiksyon.
Layon ng lokal na pamahalaan na hilingin sa Committee on Appointments (CA) na burahin o i-expunge ang naging pahayag ni Marcoleta sa opisyal na rekord o transcript ng nagdaang hearing.
Matatandaang umani ng batikos ang senador matapos nitong kwestyunin ang paninindigan ng bansa sa KIG sa nakaraang CA hearing noong nakaraang linggo:
“Ano ba talaga ang ipagpapatayan natin dito? We will offer our lives including the lives of our children, and to die for it for something that is not even within our EEZ? Ang gawin natin po para madali, i-give up natin ‘yung KIG,” ani Marcoleta.
Ipinunto ni Marcoleta na ang KIG ay nasa labas umano ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at ang pagsuko rito ay magpapadali raw sa koordinasyon sa rehiyon.
Gayunpaman, mabilis itong pinabulaanan ng mga opisyal ng Kalayaan at iba’t ibang sektor. Binigyang-diin nila na ang KIG ay integral na bahagi ng teritoryo at soberanya ng Pilipinas, at ang anumang mungkahi na iwan ito ay insulto sa mga residenteng naninirahan doon at sa mga sundalong nagbabantay sa ating hangganan.
Inaasahang maglalabas ng pinal na desisyon at pahayag ang konseho matapos ang kanilang deliberasyon ngayong hapon.
