– Sa muling pagtitipon ng Gilas Pilipinas ngayong Pebrero 16 para sa paghahanda sa nalalapit na FIBA window, kailangang dumiskarte ng national team nang wala ang kanilang pinakamahalagang tore.
Kinumpirma ng kampo ni Kai Sotto nitong Linggo na “unlikely” o malabong makadalo ang 7-foot-3 center sa 10-araw na pagsasanay na gaganapin sa C-5 Gym sa Pasig at Inspire Academy sa Laguna.
Bagama’t itinuturing pa ring powerhouse ang Gilas, malaking bawas ang kawalan ng 23-anyos na higante na siyang nagsisilbing anchor ng depensa at opensa ng koponan.
Ang potensyal na pagkawala ni Sotto sa ensayo ay tinitingnan bilang isang matinding hamon sa hangarin ng bansa para sa 2027 World Cup at sa pangarap na makapasok sa 2028 LA Olympics.
Bagama’t hindi pa tuluyang isinasara ang pinto para sa mga laro kontra New Zealand sa Pebrero 26 at Australia sa Marso 1, ang hindi pagsipot ni Sotto sa camp ay isang malaking dagok dahil sa kahalagahan ng team chemistry.
Ang naging desisyon ng kanyang mga handler ay nakaugat sa pag-iingat sa kalusugan ng manlalaro. Matatandaang nagtamo ng ACL tear sa kanang tuhod si Sotto noong Enero 2025.
Kamakailan lamang ay muli siyang naging aktibo para sa Koshigaya Alphas sa Japan kung saan nagtala siya ng average na 10 points at 7.3 rebounds, ngunit muli itong naantala dahil sa tinamong minor ankle sprain. Naniniwala ang kanyang kampo na mas makabubuting manatili muna siya sa Japan upang masubaybayan ng kanyang mga doktor ang kanyang paggaling.
Sa kabila ng panghihinayang ng mga tagahanga, binigyang-diin na ang proteksyon sa kalusugan ni Sotto ang prayoridad sa ngayon.
Bilang itinuturing na “national treasure” ng Philippine basketball, mas mahalagang matiyak ang kanyang tuluyang paglakas upang mas mahaba pa ang kanyang maisilbi sa pambansang koponan sa mga susunod na FIBA windows at internasyonal na kompetisyon. (Ron Tolentino)
