Naglabas ng matinding babala si DILG Secretary Jonvic Remulla laban sa mga lokal na opisyal na mahilig magpaskil ng kanilang mga pangalan at mukha sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa ilalim ng inisyung memorandum noong Enero 31, 2026, binigyan ang lahat ng local government units (LGU) ng dalawang buwan na palugit upang tuluyang baklasin ang lahat ng promotional materials at pangalan ng mga politiko sa mga pampublikong imprastraktura at assistance programs.
Ang naturang direktiba ay base sa probisyon ng 2026 General Appropriations Act na layuning ipatupad ang “anti-epal” policy sa buong bansa.
Binigyang-diin ng kalihim na ang sinumang opisyal na mabibigong sumunod sa kautusang ito ay maaaring maharap sa mabigat na parusa, kabilang ang administrative charges o suspensyon sa kanilang tungkulin.
Kaugnay nito, naging sentro ng usap-usapan at batikos ang sitwasyon sa isang kalsada na dati ay kilala bilang Saranay Road ngunit ngayon ay tila sumailalim sa rebranding at pinangalanang “Malapitan Road.”
Ayon sa mga concerned citizen, hindi makatarungan ang paglalagay ng malalaking signage na may pangalan ng kasalukuyang liderato dahil ang pondong ginamit sa pagpapagawa nito ay mula sa kaban ng bayan at hindi personal na pera ng mga politiko.
Nanawagan ang mga residente sa mga lokal na opisyal na maging sensitibo at agad na tumalima sa DILG Memorandum Circular 2026-006 upang itigil ang tradisyon ng pag-angkin sa mga proyektong pinondohan ng buwis ng mamamayan.
