Isang madugong trahedya ang yumanig sa kabisera ng Pakistan matapos pasabugin ng isang suicide bomber ang kanyang sarili sa loob ng isang Shi’ite Muslim mosque sa Islamabad habang ginaganap ang dasal noong Biyernes.
Ayon sa mga opisyal, hindi bababa sa 31 katao ang kumpirmadong nasawi habang umabot naman sa 169 ang bilang ng mga sugatan sa itinuturing na pinakamalalang pag-atake sa lungsod sa loob ng mahigit isang dekada.
Ang pagsabog ay naganap sa Khadija Tul Kubra Imambargah kung saan tumambad ang mga duguang katawan sa gitna ng mga basag na bubog at guho, habang ang mga sugatan ay pansamantalang inihilera sa labas ng gusali upang lapatan ng lunas.
Ayon sa ulat ng pulisya, hinarang ang salarin sa mismong tarangkahan ng mosque bago nito pinasabog ang bomba.
Bagama’t mahigpit ang seguridad sa Islamabad dahil sa opisyal na pagbisita ni Uzbekistan President Shavkat Mirziyoyev, nagawa pa ring makalusot ng karahasan na ayon sa conflict monitor na ACLED ay may mga palatandaan ng operasyon ng grupong Islamic State.
Ang mga Shi’ite, na bumubuo sa maliit na bahagi ng 241 milyong populasyon ng bansa, ay madalas maging target ng mga ekstremistang grupo gaya ng ISIS at Tehreek-e-Taliban Pakistan (TTP).
Binigyang-diin ni Foreign Minister Ishaq Dar na ang pag-atake sa mga pook-dalanginan ay isang karumal-dumal na krimen laban sa sangkatauhan at malinaw na paglabag sa mga prinsipyo ng Islam.
Ang insidenteng ito ay bahagi ng isang linggong serye ng karahasan sa bansa, kabilang ang nangyaring sagupaan sa Balochistan kung saan 58 katao ang namatay sa koordinadong atake ng mga separatista, at ang pagkamatay ng 24 pang militante sa Khyber Pakhtunkhwa.
Sa kabila ng banta ng terorismo, nanindigan ang gobyerno na hindi sila magpapasindak at pananagutin ang lahat ng nasa likod ng naturang barbarismo. (Limuel Tolentino)
