Malaking dagok para sa volleyball program ng bansa ang pagkabigo ng Alas Pilipinas na makakuha ng puwesto para sa prestihiyosong 2026 AVC Volleyball Continental Championships.
Hindi pinalad ang kapwa men’s at women’s national teams na makapasok sa 12-team field para sa mga kompetisyong gaganapin ngayong taon, na pansamantalang nagpahinto sa layunin ng bansa na makasabay sa mga elite na koponan sa Asya.
Ang pagpili sa mga kalahok ay ibinatay sa kombinasyon ng FIVB World Rankings at resulta ng mga zonal events gaya ng SEA V.League at Southeast Asian Games.
Sa kasalukuyan, ang men’s squad ng Pilipinas ay nasa ika-80 puwesto sa mundo, habang ang women’s team naman ay nasa ika-46 na ranggo.
Sa kabila ng mga naitatalang pag-angat sa mga regional competition kamakailan, hindi pa rin ito sumapat upang maabot ang qualification threshold na itinakda ng AVC.
Ang pagkawala ng bansa sa torneyong ito ay may mabigat na konsekwensya dahil ang AVC Championships ang nagsisilbing direktang gateway para sa mga pandaigdigang entablado.
Ang magkakampeon sa nasabing kompetisyon ay makakukuha ng outright qualification para sa 2028 Summer Olympics, habang ang mga koponang tatapos sa top three ay uusad naman sa 2027 FIVB Volleyball World Championships.
Para sa women’s tournament na gaganapin sa Agosto, magsisilbing host ang China habang ang Japan naman ang host para sa men’s event sa Setyembre.
Makakasama nila ang iba pang malalakas na bansa sa Asya gaya ng Thailand, Korea, Iran, at Vietnam.
Dahil hindi na kasama sa kalendaryo ang AVC Championships, itutuon na lamang ng Alas Pilipinas ang kanilang atensyon sa iba pang international platforms sa loob ng taon upang patuloy na mahasa ang galing ng mga manlalaro. (Ron Tolentino)
