Matapos ang masusing paghahanap, tila nakatagpo na ang TNT Tropang Giga ng higanteng papalit sa pwesto ng kanilang pambato at kasalukuyang may-pinsalang import na si Rondae Hollis-Jefferson (RHJ) para sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup.
Ang pakay ng TNT? Walang iba kundi ang dating NBA player na si Bol Bol.
Ayon sa isang opisyal ng TNT, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa kampo ni Bol at nagkaroon na rin ng “Zoom meeting” sa manlalaro, bagama’t nilinaw na wala pang pinal na pirmahan at hindi pa masasabing “imminent” o siguradong-sigurado na ang kasunduan.
Sa kabila ng malaking resources ng TNT, hindi madali ang pagkuha sa anak ng yumaong NBA legend na si Manute Bol.
Ayon sa ilang ulat, maaaring umabot sa $50,000 hanggang $60,000 kada buwan ang hilinging suweldo ni Bol para maglaro sa labas ng Amerika.
Bilang paghahambing, si RHJ—na nagdala sa TNT sa tatlong kampeonato bago magtamo ng pinsala sa Achilles noong nakaraang Disyembre—ay pumirma ng exclusive deal sa koponan na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang P70,000 (humigit-kumulang $1.2M+ sa kabuuan) kada buwan kasama ang mga bonus.
Kung matutuloy, itinuturing na isang “gem” o hiyas si Bol para sa PBA. Sa taas na 7-foot-3 at wingspan na 7-foot-8, inilarawan siya ng NBA reporter na si Grant Afseth bilang isang “monstrous” forward na kayang magdomina sa opensa at depensa dahil sa bilis nito sa kabila ng laki.
“Under the right circumstances, he can be a cheat code,” dagdag pa ni Afseth.
Si Bol, na 26 anyos pa lamang, ay huling naglaro para sa Phoenix Suns nitong 2024-25 season. Sa kanyang anim na taon sa NBA (Denver, Orlando, at Phoenix), nagtala siya ng career average na 6.2 points at 3.5 rebounds sa loob ng 202 laro.
Dahil kumita na ng mahigit $10.5 milyon sa NBA, pinaniniwalaang hindi lamang pera ang magiging basehan ng kanyang desisyon. Maaari niyang gamitin ang dominasyon sa PBA Commissioner’s Cup bilang tuntungan para muling mapansin at makabalik sa NBA. (Ron Tolentino)
