Sa gitna ng kanyang mabilis na pag-usbong sa mundo ng showbiz, inamin ng aktor na si Andres Muhlach na wala pa siyang nagiging kasintahan kailanman, at ito ay isang personal na desisyon upang matutukan ang kanyang trabaho.
Sa isang panayam sa programa na Fast Talk With Boy Abunda, kinumpirma ng talent ng Viva Artists Agency na nananatili siyang single. Nang direktang tanungin ng host na si Boy Abunda kung nagkaroon na siya ng karelasyon, matapat na sumagot ang aktor.
“Hindi pa, Tito Boy. That’s my choice naman,” ani Andres. Ipinaliwanag niya na naging abala siya sa mga nakalipas na taon dahil sa sunod-sunod na mga proyekto at iba pang mga obligasyon sa kanyang karera.
Bagama’t walang naging seryosong relasyon, hindi naman itinanggi ng anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez na sumubok na rin siyang manligaw noon. “In the past, I have naman. I can’t lie and say that I have not,” pag-amin niya.
Opisyal na pumasok sa industriya ng pag-aartista si Andres noong 2024, kung saan sinundan niya ang yapak ng kanyang mga tanyag na magulang. Siya ang kakambal ng TV host at aktres na si Atasha Muhlach.
