Pormal nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ngayong Biyernes ang pagsasampa ng kasong cyberlibel laban kay Michael Maurillo, ang dating testigo sa Senado na nag-akusa na pinilit lamang siyang magsalita laban sa pamilya Duterte.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, naisampa na ang kaso sa korte sa Pasay City matapos irekomenda ng DOJ ang pag-usig (indictment) kay Maurillo nitong nakaraang Enero.
Nagmula ang kaso sa reklamong cyberlibel na inihain ni Senadora Risa Hontiveros noong Hulyo 2025.
Ito ay matapos maglabas ng mga pahayag si Maurillo na diumano’y inimpluwensyahan siya ni Hontiveros para tumestigo laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Bise Presidente Sara Duterte, at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Sa mga bagong pahayag ni Maurillo, iginiit niyang gawa-gawa lamang ang mga testimonya na ibinigay nila sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Matatandaang sa mga unang pagdinig, idetalye ni Maurillo ang diumano’y pang-aabuso sa kanya ni Quiboloy at ang pagsasabing nakakakita siya ng mga armas na dala ng mga Duterte sa tuwing bumibisita ang mga ito sa KOJC.
Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang hiwalay na reklamong cyberlibel na inihain ni Hontiveros laban kay Atty. Ferdinand Topacio at ilang social media personalities dahil sa kawalan ng sapat na basehan upang ituloy ang demanda.
