Kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil ngayong Biyernes na pormal na niyang ipinasa sa tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang dalawang reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon sa pahayag ni Garafil, Huwebes ng hapon nang iakyat ang mga dokumento sa opisina ng Speaker bilang pagsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon at ng mga alituntunin ng Mababang Kapulungan. Binigyang-diin niya na matapos maberipika ang mga reklamo at ang mga kaakibat na indorso rito, agad itong ipinasa para sa nararapat na aksyon ng liderato ng Kamara.
Nilinaw ni Garafil na ang kanyang tanggapan ay kumilos nang ayon sa ministerial at administrative mandate nito, gabay ang protocol at mga panuntunan ng House of Representatives.
Ang unang reklamo ay inihain ng mga miyembro ng Makabayan Coalition. Ito ay inindorso nina Party-list Representatives Antonio Tinio (ACT Teachers), Sarah Jane Elago (Gabriela), at Renee Louise Co (Kabataan).
Samantala, ang ikalawang reklamo ay nagmula naman sa mga progresibong organisasyon at grupo mula sa civil society. Ang nasabing reklamo ay inindorso nina Representatives Leila de Lima ng Mamamayang Liberal at Perci Cendaña ng Akbayan.
Inaasahang dadaan ang mga reklamong ito sa pagbusisi ng House Committee on Justice upang matukoy kung may sapat itong porma at sustansya para dinggin sa plenaryo.
