Sa gitna ng dalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay, isang pamilya rito ang dumanas ng dobleng pighati matapos piliting ilikas ang kabaong patungo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay dahil sa mabilis na pagtaas ng baha dulot ng Bagyong Basyang.
Sa mga larawang ibinahagi ni Kent Kobe Opon ngayong Biyernes, Pebrero 6, 2026, makikita ang nakapanlulumong sitwasyon kung saan umabot sa leeg ang tubig-baha sa loob ng kanilang tahanan.
Dahil sa panganib na anurin o malubog ang labi ng kanilang yumaong kamag-anak, mabilis na nagtulong-tulong ang pamilya upang isalba ang kabaong mula sa rumaragasang tubig.
Ayon kay Opon, hindi lamang kaguluhan at trauma ang iniwan ng bagyo, kundi isang klase ng sakit na mahirap ipaliwanag dahil sa sabay na pagtama ng sakuna at pagluluksa.
“Sa isang saglit, nawalan kami ng mahal sa buhay. Sa kabilang saglit, nawalan kami ng tahanan. Nagsama ang pighati at kalamidad, na nag-iwan ng hapdi na hindi kayang ilarawan ng mga salita,” pahayag ni Opon sa kanyang post sa social media.
Sa kabila ng matinding pagsubok, binigyang-diin ni Opon ang katatagan ng kanilang pamilya habang patuloy na humaharap sa delubyo. Nagpasalamat din siya sa mga nag-alay ng dasal na aniya’y malaking tulong sa kanilang emosyonal na kalakasan.
“Narito pa rin kami, nagluluksa, lumalaban, at humuhugot ng lakas na hindi namin akalaing mayroon kami,” dagdag pa niya.
Ang insidenteng ito ay isa lamang sa mga ulat ng malawakang pagbaha sa Cagayan de Oro dahil sa patuloy na pag-uulan na dala ng Bagyong Basyang, na naging dahilan din ng pagkasira ng mga ari-arian at paglikas ng maraming residente sa mga apektadong lugar. (Limuel Tolentino)
