Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang dalawang malaking proyekto ng kalsada at tulay sa Ilocos Norte na itinayo noong panahon ng administrasyong Duterte, matapos matuklasang “substandard” at hindi na madaanan ang mga ito sa kabila ng dambuhalang pondong inilaan.
Sa ulat ng COA na inilabas nitong Enero 29, lumitaw na ang mga proyekto ay ipinagkaloob sa St. Gerrard Construction, isang kumpanyang pagmamay-ari ng kontrobersyal na mag-asawang sina Pacifico “Curlee” at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya. Ang St. Gerrard ay dati nang iniuugnay sa mga kwestyonableng flood control projects sa bansa.
Ang unang proyekto na nagkakahalaga ng ₱220.86 milyon ay isang sementadong kalsada at tulay na magkokonekta sa Pancian hanggang Pagudpud-Adams. Bagama’t itinalang “tapos na” noong Abril 2019, nakita ng mga auditor sa kanilang inspeksyon noong Hulyo 2024 na sira-sira na ang ibabaw ng kalsada at hindi pa ito pormal na naiturn-over.
Mas malala ang kalagayan ng ikalawang proyekto—isang ₱101.27 milyong tulay at kalsada sa Dumalneg patungong Bolo River Dam. Ayon sa COA, “hindi na ito madaanan ng karamihan sa mga sasakyan maliban sa motorsiklo” sa kabila ng ulat na natapos ito limang taon na ang nakararaan.
Binatikos din ng mga auditor ang “inconsistencies” o pagkakaiba-iba sa mga opisyal na dokumento. Napansin ng COA na bagama’t kasama ang St. Gerrard sa kontrata, hindi ito nakatala sa Project and Contract Management Application (PCMA) ng DPWH-Ilocos Norte. Binigyang-diin sa ulat na ang mga maling datos sa PCMA ay bunsod ng kawalan ng maayos na pagsusuri at “human error.”
Pinuna rin ng COA ang Department of Tourism (DOT) dahil sa kawalan ng maayos na sistema sa pag-monitor ng mga proyektong kalsada sa ilalim ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP), kung saan umaasa lamang umano ang ahensya sa mga datos ng tourist arrivals na itinuturing ng COA na “hindi ganap na maaasahan.” (Limuel Tolentino)
