Kilala sa pagiging mahinahon, naging usap-usapan sa social media ang bihirang pagpapakita ng emosyon ng nine-time MVP na si June Mar Fajardo sa gitna ng nagpapatuloy na PBA 50th Season Philippine Cup Finals.
Sa gitna ng Game 3 sa pagitan ng San Miguel Beermen at TNT Tropang Giga, nakita ang “The Kraken” na tila nainis matapos itulak ni Brandon Ganuelas-Rosser. Isang matalim na titig at bahagyang pagsingit (nudge) ang naging tugon ng higante ng San Miguel, bagay na agad naging paksa ng diskusyon online.
Gayunpaman, mabilis na pinalamig ni Fajardo ang isyu matapos ang Game 5. Ayon sa kanya, bahagi lamang ito ng tensyon na kaakibat ng paglalaro sa finals.
“Okay lang ‘yun. Expected ‘yun (physicality) kasi nasa finals tayo. Gusto nila manalo, gusto rin naming manalo. Siyempre, mainit ‘yung laban, ‘yung physicality nandoon,” pahayag ni Fajardo.
Inamin ng pambato ng San Miguel na bagama’t nakakapikon ang pisikalidad, mas pinipili niyang manatiling nakapokus sa mas malaking layunin—ang makuha ang kampeonato.
“Siyempre nakakapikon din pero tinatry ko i-avoid ‘yun kasi gusto ko mag-focus sa game. Gusto naming mag-champion. ‘Yun ang goal namin. Hindi kami papadala sa init,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Fajardo ang kahalagahan ng pagkontrol sa sariling emosyon sa halip na hayaang ang emosyon ang magdikta sa kanyang laro. Aniya, hindi “worth it” na makipagpalitan ng tulakan dahil maaari lamang itong magresulta sa hindi magandang pangyayari o technical fouls na makakasama sa koponan.
Sa kabila ng pagiging pangunahing target ng depensa at matitinding banggaan sa loob ng paint, nananatiling prayoridad ni Fajardo ang disiplina upang masiguro na hindi sila mawawala sa konsentrasyon sa paghabol sa titulo ng ika-50 season ng liga. (Ron Tolentino)
