SAN JUAN – Nakatakdang muling magliyab ang pinakamainit na rivalries sa kasaysayan ng Philippine basketball sa pagpapatuloy ng Pinoyliga Alumni Cup ‘Rivalry Day’ ngayong Linggo sa Playtime Filoil Arena.
Tampok sa main event sa ganap na ika-6 ng gabi ang tapatang Ateneo at La Salle na pagbibidahan ng mga pamilyar na mukhang naging bida sa mga nakaraang bakbakan sa UAAP.
Pangungunahan ni Chris Tiu ang panig ng Blue Eagles kasama ang kanyang kapatid na si Charles Tiu, Eric Salamat, Noy Baclao, at Nico Salva. Hindi naman magpapahuli ang Green Archers na babanderahan nina Mac Cardona, Rico Maierhofer, at Jerwin Gaco.
Mahalaga ang larong ito para sa magkabilang koponan na parehong may 1-2 record upang mapataas ang tsansa sa playoffs. Kung babalikan ang kasaysayan, tabla ang dalawang paaralan sa kabuuang 8 pagtatagpo sa Finals (kasama ang panahon nila sa NCAA) sa kartadang 4-4. Sa UAAP naman, hawak ng Ateneo ang 3-2 na bentahe sa kanilang limang pagtatapat sa Finals, bagama’t ang La Salle ang huling nagwagi noong 2017.
Bago ang main event, magsasagupa muna sa ganap na 3:30 ng hapon ang magkaribal na Letran Knights at Mapua Cardinals. Target ng Knights, na pinangungunahan ng two-time PBA MVP na si Willie ‘The Thriller’ Miller, na makuha ang kanilang ikaapat na sunod na panalo para manatiling walang talo.
Susubukan naman ng Cardinals na bumangon mula sa kanilang 1-2 record para makahabol sa standing. (Ron Tolentino)
