Nanatiling pangkalahatang mapayapa at maayos ang sitwasyon ng krimen sa Lungsod ng Marikina.
Ito ang tiniyak ni PCOL Jenny DC Tecson, Officer-in-Charge ng Marikina City Police Station (CPS), sa isinagawang panayam ng Pamamarizan–Rizal Press Corps nitong umaga ng Enero 29, 2026, sa Headquarters ng kapulisan sa kahabaan ng Fortune Avenue.
Sa nasabing pagbisita, ibinahagi ni PCOL Tecson na ang mababang crime rate sa lungsod ay bunga ng maigting na kampanya sa crime prevention, pagpapatupad ng batas, at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad. Nagpahayag din siya ng malalim na pasasalamat sa Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa walang sawang suporta nito, na aniya ay malaking tulong sa matagumpay na implementasyon ng mga programa at proyekto ng pulisya.
Alinsunod sa Five-Point Agenda ng Chief PNP at sa mga prinsipyo ng Regional Director ng NCRPO, binigyang-halaga ni PCOL Tecson ang moral, kapakanan, at disiplina ng kanyang mga tauhan. Ipinagmalaki niya ang kanyang pinalawig na programang Project BISITA AKAP-AGAP, isang inisyatibo na nakatuon sa regular na konsultasyon, pagbisita sa tahanan, at pagpapanatili ng wellness ng mga pulis-Marikina.
Gayunpaman, binalaan din ng opisyal ang kanyang hanay na hindi niya papayagan ang anumang uri ng misconduct o kapabayaan sa tungkulin. Kasabay ng pangangalaga sa welfare ng mga pulis, mananatili umanong prayoridad ang disiplina at pananagutan sa bawat ranggo.
Sa huli, nanawagan si PCOL Tecson sa publiko na manatiling mapagmatyag at proactive.
Hinikayat niya ang mga residente na agad isumbong ang anumang kahina-hinalang pangyayari sa kanilang lugar at patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad, dahil ang matibay na ugnayan ng pulisya at mamamayan ang susi sa pagpapanatili ng kapayapaan sa buong Marikina.
