Isang kalunos-lunos na pagtatapos ang sinapit ng walong taong gulang na anak ng isang babaeng pulis matapos itong matagpuang wala na ring buhay sa loob ng isang taniman ng calamansi sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac, nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa ulat mula sa Victoria Municipal Police Station, isang residente ang nakatuklas sa bangkay ng batang si John Ysmael na nakabalot umano sa packaging tape at nakahandusay sa madamong bahagi ng farm na pagmamay-ari ni Barangay Captain Sandy Torres.
Positibo nang kinilala ng ama ng bata ang labi ng kanyang anak, na huling nakitang buhay noong Enero 16 kasama ang kanyang ina.
Ang trahedya ay nagsimula nang iulat na nawawala ang mag-ina noong Enero 19 matapos silang magtungo sa Novaliches, Quezon City upang makipagkita sa isang car agent.
Noong Enero 24, unang natagpuan ang bangkay ng ina ng bata na si Senior Master Sgt. Diane Marie Mollenido, 38-anyos, sa isang sapa sa Bulacan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Southern Police District (SPD), lumabas sa luminol test na may mga bakas ng dugo sa loob ng tahanan ng naturang car agent sa Novaliches. A
ng nasabing agent ay itinuturing na ngayong “person of interest” ng mga awtoridad ngunit kasalukuyan na itong hindi ma-contact at hindi matagpuan.
Kaugnay nito, nagpaabot na ng pakikiramay at tulong si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa naulilang pamilya ni Mollenido, na huling nakatalaga sa Personnel and Records Management Division ng NCRPO.
Tiniyak ng heneral na magbibigay ang ahensya ng buong suportang pinansyal, proteksyon, at counseling kung kinakailangan.
Kasabay nito, inatasan na rin ang NCRPO at Police Regional Office Central Luzon (PRO 3) na bigyang-prayoridad ang agarang paglutas sa kaso habang patuloy ang pag-backtrack sa mga CCTV footage upang mahanap ang suspek at mabigyang-hustisya ang mag-ina.
