A man holding a gun in hand, the ship ready to shoot the man pointed a gun at us. A man holding a gun was robbed.
Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos makuha sa isang holdap ang gintong kwintas ng isang biktima na nagkakahalaga ng P127,000 sa Barangay San Pedro, Morong, Rizal nitong Lunes ng gabi, Enero 26.
Base sa ulat ng Morong Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-6:20 ng gabi sa isang vulcanizing shop sa kahabaan ng National Road, Sitio Paglabas. Ang biktimang kinilala lamang sa alyas na Erick, 43-anyos, ay nagpapagawa lamang ng gulong nang biglang dumating ang mga suspek sakay ng isang gray na Yamaha MXi na motorsiklo.
Nagkunwari ang mga suspek na magpapahangin din ng gulong, ngunit nang namataan ang biktima ay bigla nilang hinablot ang gintong kwintas nito habang tinatutukan ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos ang mabilis na panghoholdap, agad na tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng bayan ng Teresa.
Sa tulong ng rogue’s gallery o listahan ng mga litrato ng mga kilalang kriminal sa himpilan ng pulisya, positibong kinilala ng biktima ang mga suspek na sina Aristeo Pantanilla Rasonabe at Hilario Pantanilla Rasonabe
Ang dalawa ay kapwa residente ng Edenville Subdivision, Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal at kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Morong MPS sa pamumuno ni PMAJ Elmer B. Rabano upang i-secure ang lugar at magsagawa ng imbestigasyon. Nagsagawa na rin ng dragnet operation at CCTV forward tracking sa mga kalapit na lugar upang matukoy ang tinataguan ng mga suspek.
Kasalukuyan nang inihahanda ng pulisya ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa magkapatid na Rasonabe.
