Pormal nang naglabas ng mga subpoena ang Department of Justice (DOJ) para kina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng kontrobersiya sa mga proyekto ng flood control sa bansa.
Kinumpirma ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na inilabas ang mga subpoena nitong Biyernes, Enero 23.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng mga reklamong pandambong o plunder na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa tatlong opisyal.
Inatasan ng kagawaran ang mga respondent na humarap sa DOJ para sa isasagawang preliminary investigation na itinakda sa darating na Pebrero 2 at 12.
Layunin ng nasabing imbestigasyon na matukoy kung may sapat na batayan upang ituloy ang kaso sa korte. Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag mula sa panig nina Estrada, Revilla, at Bonoan hinggil sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.
