Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang 19-anyos na dalaga matapos maaresto sa isang “hot pursuit operation” bunsod ng pang-iisnats ng cellphone sa loob ng isang pampublikong sasakyan nitong Lunes ng umaga, Enero 26.
Base sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga sa tapat ng isang Shell Gasoline Station sa kahabaan ng Ortigas Ave. Extension, Brgy. San Isidro.
Ang biktimang kinilala sa alyas na “Jan,” isang 1st year college student, ay nakasakay sa isang jeep nang biglang sumampa ang tatlong suspek.
Nagkasundo ang tatlo na puwersahang agawin ang Oppo A17K na cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P6,000.
Matapos ang mabilis na pang-aagaw, agad na bumaba at tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Ortigas Ave. Extension.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga awtoridad. Sa pamamagitan ng E-rogue’s gallery, positibong kinilala ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Chelle,” 19-anyos at residente ng Brgy. Sto. Domingo, Cainta. Nabawi rin sa kanya ang ninakaw na cellphone.
Gayunpaman, nakatakas ang dalawa niyang kasama na kinilalang sina Athan, 20-anyos; at ayas “Tata”
Ang dalawa ay kasalukuyan pang “at-large” at tinutugis na ng mga pulis.
Dinala ang naarestong suspek sa Cainta Municipal Hospital para sa medical examination matapos basahan ng kanyang mga karapatan.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Robbery (Snatching) laban sa tatlo sa pamamagitan ng inquest proceedings.
