Nagpahayag ng pagkabahala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Linggo kaugnay ng mga posibleng impeachment complaint laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, ang ganitong mga hakbang ay maaaring makasira sa imahe ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad, bagaman tiniyak niyang handa ang Senado na gumanap bilang impeachment court kung sakaling makarating sa kanila ang mga reklamo.
“Sana naman huwag ano. Dahil nakakahiya sa mundo… Nevertheless, paghahandaan natin kung sakali. Ako naman ready ako,” aniya.
Ipinaliwanag ni Sotto na mayroon na siyang nakalatag na plano upang hindi maantala ang regular na tungkulin ng mga senador.
“In the morning, from 9 am to 1 pm, legislative work ang Senado. Pagdating ng 3 pm up, e di impeachment court. Kung sakali sinabi nila dalawa, at the very remote possibility, sabay namin dalawa. E di gawin MWF ‘yung isa, TTH, ‘yung isa. Siguro naman majority ng members papayag,” saad ni Sotto.
Sakali namang magsabay ang reklamo laban sa dalawang pinakamataas na pinuno, imumungkahi niya ang magkaibang schedule sa loob ng isang linggo upang masigurong magiging maayos ang daloy ng mga pagdinig.
Samantala, nagbabala rin si Senator Sherwin Gatchalian na magdudulot lamang ng pagkakawatak-watak sa bansa ang naturang mga proseso kung pulitika lamang ang basehan.
Binigyang-diin niya na dapat suriing mabuti ng Mababang Kapulungan ang mga ebidensya dahil malaki ang nakataya rito.
Kinuwestiyon din ni Gatchalian ang kredibilidad ni dating Rep. Zaldy Co bilang saksi laban sa Pangulo, habang binanggit naman ni Rep. Terry Ridon na posibleng ma-refer na sa House Committee on Justice ang unang reklamo laban kay Marcos sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Sa kabilang banda, iginiit ng Makabayan bloc na nakahanda silang bumalik sa Kamara ngayong Lunes upang matiyak na pormal nang matatanggap ni House Secretary General Cheloy Gerafil ang ikalawang impeachment complaint.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, wala nang dahilan para sa anumang “delaying tactics” dahil nararapat lamang na magkaroon ng pananagutan at masagot ang mga katanungan ng mamamayang Pilipino.
