ahasang binatikos ng National Security Council (NSC) nitong Linggo, Enero 25, ang mga pahayag ng Chinese Foreign Ministry at ng Chinese Embassy sa Manila na tinawag nilang hindi naaangkop at nakakasama sa mga institusyon ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni NSC spokesperson Cornelio Valencia Jr. na ang mga hirit ng China, lalo na ang mga direktang tumatarget sa mga opisyal ng gobyerno, ay itinuturing na undiplomatic at uncalled for.
Ayon kay Valencia, ang anumang pampublikong mensahe na nananakot o nagtatangkang patahimikin ang mga opisyal ng Pilipinas habang ginagawa ang kanilang tungkulin ay malinaw na paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Binigyang-diin niya na ang responsibilidad ng mga opisyal na mag-ulat sa publiko ay hindi nangangailangan ng permiso mula sa anumang dayuhang gobyerno dahil ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa na pinamamahalaan ng batas.
Nag-ugat ang tensyong ito matapos puntiryahin ng China si Commodore Jay Tarriela, ang spokesperson ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, dahil sa kanyang pagkondena sa pangha-harass ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Noong Enero 21, sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun na dapat nang itigil ng Pilipinas ang pagtoleraya sa umano’y smear campaign at probokasyon ni Tarriela upang hindi masira ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Bilang tugon, ipinaalala ng NSC na ang patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ang historic arbitral award ang tunay na nagpapaliyab sa tensyon sa rehiyon.
Nanindigan si Valencia na mananatiling matatag at mahinahon ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya nito sa West Philippine Sea batay sa batas internasyonal, at hindi sila magpapa-distract sa mga tangkang ilihis ang usapin mula sa mga ilegal at destabilizing na aktibidad ng China sa karagatan.
