Mapalad na nakaligtas sa isang mabalasik na pananambang si Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan nitong madaling-araw ng Linggo matapos targetin ng rocket-propelled grenade (RPG) ang kanyang sasakyan sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Bagama’t ligtas ang alkalde, sugatan naman ang dalawa sa kanyang mga escort, habang tatlo sa mga suspek ang napatay sa ikinasang pursuit operation ng mga awtoridad.
Naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga habang pauwi ang alkalde galing sa palengke. Lulan si Ampatuan ng kanyang bulletproof na Toyota Land Cruiser nang harangin ng isang puting van malapit sa municipal hall compound.
Batay sa CCTV footage na ibinahagi ng kanyang anak na si Vice Mayor Hadji Oping Ampatuan, dalawang armadong lalaki ang bumaba mula sa van at agad na nagpaputok ng improvised RPG ang isa sa mga suspek patungo sa sasakyan ng alkalde.
Sa kabila ng tinamong pinsala, mabilis na nakaharurot palayo ang armored vehicle ni Ampatuan. Pinaputukan din ng mga suspek ang backup vehicle na isang pickup.
Agad na naglunsad ng “hot pursuit” operation ang pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at 90th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nakorner ang mga suspek sa Barangay Meta, Datu Unsay, kung saan sumiklab ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong suspek na kinilalang sina Budtong “Rap-Rap” Alim Pendatun, Tekz Malid Pendatun at Puasa Oting Madid.
Narekober sa getaway vehicle ng mga suspek ang isang B40 RPG launcher at ilang matataas na kalibre ng baril.
Kinilala ang mga sugatang security escorts na sina Pfc Manuel Arcega Dondiego at Lakman Eso, na kasalukuyang ginagamot sa Bangsamoro Regional and Medical Center dahil sa mga tinamong sugat sa tiyan at iba pang bahagi ng katawan.
“The mayor is safe,” pahayag ni Anwar Kuit Emblawa, executive assistant ng alkalde.
Ito na ang ikatlong madugong tangka sa buhay ni Mayor Ampatuan, na una nang tinambangan noong bisperas ng Pasko ng 2014 sa Guindulungan at muli noong Disyembre 2019 sa Shariff Aguak, kung saan kapwa nagresulta ang mga ito sa pagkamatay ng kanyang mga tauhan.
Mariing kinondena ng Shariff Aguak Municipal Police Station ang mga itinuturing nilang “peace spoilers” sa rehiyon habang patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng mga salarin.
