File Photo
Mainit na tinanggap ng mga senador si dating Public Works Secretary Manny Bonoan sa kanyang pagharap sa ika-walong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Enero 19. Ito ay matapos siyang sampahan ng subpoena at kararating lamang mula sa Estados Unidos nitong Linggo.
Hindi naitago ni Senator Win Gatchalian ang kanyang galit nang komprontahin si Bonoan kaugnay ng umano’y P2.2 bilyong kickback na natanggap nito mula sa mga maanomalyang flood control projects.
Ang paratang ay base sa affidavit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na ngayon ay isa nang state witness.
Ayon kay Gatchalian, nagkaroon ng talamak na “ghost projects” at 20% hanggang 25% na kickback sa loob mismo ng DPWH sa ilalim ng pamumuno ni Bonoan.
“Kung kasali ho kayo sa kickback, ‘yang oversight na ‘yan, walang kwenta ho ‘yan,” ani Gatchalian matapos ipaliwanag ni Bonoan na “general oversight” lamang ang kanyang ginawa bilang kalihim.
Sumabat din si Senate President Pro Tempore Ping Lacson at binigyang-diin na bilang secretary, mayroon siyang “control” sa buong kagawaran hanggang sa huling empleyado. Depensa naman ni Bonoan, dumedepende rin siya sa mga taong nasa ilalim niya.
Bukod sa suhulan, naging sentro rin ng usapin ang pagbibigay ng maling geographic coordinates ng mga proyekto sa Malacañang, na naging sanhi ng pagkaantala ng imbestigasyon.
Inamin ni DPWH Undersecretary Arthur Bisnar na 337 mula sa mahigit 400 pinaghihinalaang ghost projects ang may maling coordinates.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na dahil sa kalituhang ito, 14 pa lamang na proyekto ang kumpirmadong “non-existent” o hindi talaga naitayo.
Isiniwalat ni Bonoan na dumedepende lamang siya sa impormasyong ibinigay ng opisina ng yumaong Undersecretary Cathy Cabral.
Sa gitna ng pagdinig, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na si Bonoan ay isa nang co-respondent sa plunder complaint na isinampa ng NBI. Kasama niya sa reklamo si Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth na nagkakahalaga ng mahigit P50 milyon.
Mariing itinatwa nina Bonoan at Estrada ang anumang pagkakasangkot sa korapsyon sa flood control projects sa bansa.
