Hindi makakalusot sa pananagutan si dating House Speaker Martin Romualdez pagdating sa kontrobersyal na flood control projects scandal. Ito ang mariing pahayag ng Senate minority bloc sa isang ulat na inabas nitong Martes, Enero 20.
Sa naturang “minority report,” binigyang-diin ng mga senador na lumabas ang pangalan nina Romualdez at nagbitiw na congressman na si Zaldy Co sa iba’t ibang testimonya sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Bilang dating Speaker, hindi niya pwedeng basta na lamang iabswelto ang sarili sa anumang pananagutan — alinman sa siya ay nakipagsabwatan sa mga tiwali o naging pabaya sa kanyang tungkulin. Sa parehong aspeto, mananatili siyang may pananagutan,” saad sa ulat.
Matatandaang iniulat na ang kumpanyang Golden Pheasant Holdings, na pagmamay-ari ng malapit na kasama ni Romualdez, ay bumili ng bahay sa Forbes Park, Makati sa halagang P1.67 bilyon.
Sa isang video testimonial, sinabi ni Co na inutusan siya ni Romualdez na maghatid ng P1 bilyong cash sa nasabing address.
Maging ang pinsan ng dating Speaker na si Senadora Imee Marcos ay nakapansin ng mga “paulit-ulit na pangalan” gaya ni Atty. Jose Raulito Paras sa mga dokumento ng ari-arian ni Romualdez, hindi lang sa Makati kundi maging sa Sotogrande, Spain.
Bagama’t inilabas ang ulat, minaliit ito ni Senate President Tito Sotto at tinawag na “pirasong papel” lamang dahil hindi pa tapos ang opisyal na report ng Blue Ribbon Committee. Ayon kay Sotto, dapat ay inihain ito sa Legislative Bills and Index Service sa halip na sa kanyang tanggapan.
Depensa naman ni Senador Rodante Marcoleta, na siyang nag-draft ng ulat, tinawag nila itong “minority report” upang mailabas na ang kanilang mga obserbasyon at rekomendasyon habang hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang kabuuang committee report.
Anim na senador mula sa minority bloc ang lumagda sa ulat na kinabibilangan nina Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Jinggoy Estrada, Bong Go at Robinhood Padilla.
Hindi naman lumagda sina Alan Peter Cayetano (dahil sa pagkakasakit), Joel Villanueva (na nais munang suriin ang ulat), at Chiz Escudero (na hindi miyembro ng komite).
Kapansin-pansin na sa kabila ng pagkaladkad sa pangalan nina Escudero, Villanueva, at Estrada sa kickback scandal, iginiit ng minority bloc na “kulang sa ebidensya” ang mga akusasyon laban sa kanilang mga kasamahan sa Senado.
Tinawag nilang “unsubstantiated” ang alegasyon laban kay Estrada, habang “controvertible” naman ang testimonya laban kay Escudero kaugnay ng P160 milyong kickback na diumano’y dumaan sa campaign donor nitong si Maynard Ngu. Mariing itinatanggi ng mga nabanggit na senador ang anumang kinalaman sa anomalya.
