Sa layuning patatagin ang kaalaman ng kabataan pagdating sa kaligtasan, muling ibinida ang programang MAGHANDA for Kids sa ginanap na 3rd MANGIDAULO REHIYON UNO: Regional Learners’ Convergence sa Bolinao, Pangasinan.
Ang inisyatibong ito ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng DOST Ilocos Region sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Teresita A. Tabaog, na aktibong nagsusulong ng mga programa para sa mga batang mag-aaral sa rehiyon.
Sa gitna ng nasabing pagtitipon, nagbahagi ng kanilang kadalubhasaan ang mga eksperto mula sa DOST-PHIVOLCS na sina Ms. Lucille Rose D. Sanico at Ms. Kristine Dionne B. Lagunsad. Tinalakay nila ang mahahalagang paksa tungkol sa geologic hazards kabilang ang mga panganib na dulot ng bulkan at lindol.
Binigyang-diin sa mga sesyon ang kahalagahan ng kahandaan bago, habang, at pagkatapos ng mga sakuna, gayundin ang tamang pag-uulat ng lakas ng pagyanig gamit ang PHIVOLCS Earthquake Intensity Scale o PEIS.
Bukod sa mga talakayan, ipinakilala rin sa mga mag-aaral ang kapangyarihan ng teknolohiya sa pagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng mga digital tools na binuo ng PHIVOLCS. Kabilang sa mga ipinamalas sa mga bata ang HazardHunterPH, How Safe Is My House, at VolcanoPH app, pati na ang opisyal na website ng ahensya.
Ang mga platapormang ito ay nagpapakita kung paano magagamit ang agham upang masuri ang panganib sa sariling tahanan at komunidad para sa mas mabilis na pagdedesisyon sa oras ng emergency.
Sa pamamagitan ng mga interaktibong diskusyong ito, ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region ay umuwing baon ang mahalagang kaalaman na magbibigay sa kanila ng kapangyarihang maging mas mapagmatyag at handa.
Ang ganitong mga hakbang ay bahagi ng mas malawak na mithiin na gawing mas matatag at ligtas ang mga susunod na henerasyon laban sa anumang banta ng kalikasan. (MINA PADERNA)
