PASAY CITY – Isinilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ng gabi ang mga warrant of arrest laban sa dalawang dating engineer mula sa Bulacan sa loob mismo ng gusali ng Senado.
Kinilala ang mga inaresto na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kapwa dating opisyal ng Bulacan First District Engineering Office.
Dinampot ang dalawa habang dumadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan sila ay kasalukuyang nakadetine mula pa noong nakaraang taon matapos ma-cite for contempt ng mga senador.
Dakong alas-7:47 ng gabi, matapos suspindihin ang pagdinig, kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na binigyan niya ng pahintulot ang NBI na isagawa ang pag-aresto.
“Yes. The warrants are being served as we speak. I’m authorizing it. Sen. Lacson knows already,” pahayag ni Sotto sa media.
Bandang alas-8 ng gabi nang ilabas ng mga ahente ng NBI ang dalawa mula sa Senado upang dalhin sa tanggapan ng NBI sa Pasay City.
Ang pag-aresto kina Hernandez at Mendoza ay nag-ugat sa warrant na inisyu ng Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong malversation.
Sangkot ang dalawa sa maanomalyang P92.8 million “ghost flood control project” sa Pandi, Bulacan.
Kasama rin sa mga nahaharap sa nasabing kaso at may hold departure order ay sina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, Finance Section Chief Juanito Mendoza at Cashier Christina Pineda
Bagama’t nasa ilalim ng kustodiya ng Senado sina Hernandez at Mendoza mula pa noong Setyembre 2025 dahil sa pagtangging magsalita nang tapat sa komite, nilinaw ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na hindi sila maaaring maging state witness.
Ayon sa prosekusyon, hindi pasok ang dalawa sa mga kwalipikasyon base sa mga ebidensyang nakalap sa kasong graft at malversation.
