Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad nitong Lunes ng gabi ang dating Senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa kanya.
Bandang alas-9:00 ng gabi nang dumating si Revilla sa Camp Crame, kasama si acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Melencio Nartatez Jr. at iba pang matataas na opisyal ng pulisya. Agad na isinilbi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang warrant bago isinailalim ang dating senador sa standard booking at documentation procedures.
Sa isang inilabas na video statement, kinumpirma ni Revilla na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa pagpapalabas ng warrant, ngunit kinuwestiyon niya ang proseso ng batas.
“Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas po ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po, parang wala po yatang due process,” pahayag ni Revilla.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na handa niyang harapin ang mga sakdal at nanindigan sa kanyang inosente. “Haharapin ko ito ng walang takot. At alam kong hindi ako papabayaan ng Diyos dahil wala akong kasalanan dito,” dagdag pa niya.
Ang warrant ay inisyu ng Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong malversation tungkol sa isang “ghost flood control project” sa Pandi, Bulacan. Bukod kay Revilla, anim na opisyal mula sa DPWH Bulacan 1st District Engineering Office ang nahaharap din sa parehong kaso.
Ayon sa prosekusyon, nagkuntsabahan umano ang mga akusado upang mapabilis ang paglalabas ng P76 milyon para sa isang proyektong nagkakahalaga ng P92.8 milyon na idineklara nilang tapos na ngunit lumalabas na hindi naman talaga naipatupad base sa mga inspeksyon at salaysay ng mga saksi.
Sangkot din sa alegasyon ang pamemeke ng mga accomplishment report at mga fraudulent billing document.
Nadamay ang pangalan ni Revilla sa nasabing anomalya matapos ang testimonya ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, kung saan ibinunyag na nakatanggap umano ang dating senador ng kickbacks kapalit ng pag-endorso ng mga proyekto sa baha.
Matatandaang dati nang naabswelto si Revilla sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam, ngunit muli itong nahaharap sa panibagong pagsubok sa batas dahil sa isyung ito sa Bulacan.
